Tip:
Highlight text to annotate it
X
Ipinagdiriwang tuwing ikalawa hanggang ikatlong linggo ng Enero kada taon ang pista ng Ati-Atihan sa Kalibo, Aklan bilang pagdakila sa Santo Nino. Nagpapahid ng uling sa mukha at katawan ang mga mananayaw, samantalang patuloy ang ritmo ng tambol na waring nagsasagutan sa himig ng “Hala, Bira!”
Noong ika-13 na siglo, bago pa dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas, dumating sa isla ng Panay ang ilang imigrante na may mga mapuputing kutis mula sa isla ng Borneo. Ang mga nanirahan sa isla ng Panay ay tinawag na Ati or negritos, maliit, maitim at may kulot na buhok. Binenta ng mga Ati ang isang parte ng kanilang lupa sa mga Borneo upang manirahan sa kapatagan habang sila naman ay umakyat sa mga bundok.
Isang araw, dahil sa masamang panahon nagkulang sa pag-ani ng pagkain ang mga Ati sa kanilang mga lupain. Bumaba sila sa kapatagan ng Maraynon upang humingi ng pagkain. Magmula noon, ang mga Atis ay bumababa sa kapatagan upang humingi ng pagkain. Sumayaw at kumanta sila upang ipakita ang kanilang pasasalamat sa kanilang mababait na loob. Nagkaroon ng pakikipagkaibigan at pakikipagkapwa sa mga Ati at Maraynon. At mula noon, ang mga Maraynon ay nagsimulang magpinta ng itim na kulay sa kanilang mukha upang bigyang dangal ang mga Atis at sumali na rin sa pista.
Ang Ati-atihan ay punung-puno ng makukulay, masasaya na aktibidad gayun din ang kanilang malalim na paniniwala sa pasasalamat sa mga biyayang kanilang natatanggap. Mayroong mga deboto na dumadalo sa Santo Nino upang magsasama sa rosary procession at sa mga community masses.
Sa huling araw ng pista, isang makulay na kumpetisyon ang ginaganap mula sa iba't-ibang grupo na kumakatawan sa mga tribo. Ang mga kalahok ay nagsusuot ng makukulay at mapanlikhang mga kasuotan na kadalasan ay gawa sa abaka, shells, balahibo ng hayop, kawayan, dahon, cogon, at bulaklak.
Katangi-tangi sa Pilipino ang pistang ito dahil dito nagsimula ang iba't ibang piyesta ng karatig na mga lalawigan gaya ng Sinulog sa Cebu. Makikita sa piyestang ito ang mga pinagmulan ng lahing Pilipino at ang kanilang kultura noong mga sinaunang panahon. Ito ay kailagang bigyang pansin upang malaman natin ang ating mga sarili. Malaki pa rin ang maiaambag ng pista ng Ati-Atihan kahit sa panahon ng globalisasyon dahil bibihira na rin ang ganitong mga pangyayari sa ating mga buhay. Ito ay maaaring mabigyan ng pansin dahil sa mga makukulay at mga magagarbong aktibidad na wala sa ibang piyesta.